-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang manhunt operation laban sa suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Col. Joel Limson, Police Provincial Director ng South Cotabato PNP, sinabi nito na patuloy ang pagtugis sa subject ng search warrant na kinilalang si Jeoffrey Nilong, nasa legal na edad at residente ng Prk 2, Brgy Lapu, Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay Limson, ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10951 o Illegal Possesion of Firearms and Ammunitions at kasong frustrated murder.

Sinabi ni Limson na nakatunog ang suspek na paparating ang mga mga otoridad kaya agad itong nakatakas at dumaan sa isang manhole.

Bagama’t nakatakas, natuklasan at narekober ng mga otoridad sa bahay ni Nilong ang maraming bala ng barid at materyales sa paggawa ng bomba.

Samantala, inaresto naman ng PNP ang asawa nito na si Vanessa.

Napag-alaman na ang nasabing suspek ay matagal nang minimonitor ng mga otoridad dahil sa kaugnayan umano nito sa Maute-ISIS group at sa serye ng krimen at pambobomba sa buong probinsya.