-- Advertisements --

​Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang agresibong paglipat sa renewable energy at paggamit ng electric vehicles (EVs) bilang pangmatagalang solusyon upang maibsan ang matinding epekto ng umiiral na oil crisis sa bansa.

​Sa idinaos na Saturday News Forum, iginiit ni House Ways and Means Committee Chairman Representative Miro Quimbo na hindi na sapat ang mga panandaliang lunas o ayuda.

Ayon sa mambabatas, napapanahon na upang mamuhunan ang pamahalaan sa mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, partikular na ang paglalagay ng solar at battery storage facilities.

​Bilang pangunahing hakbang upang mabawasan ang labis na pagdepende ng Pilipinas sa imported na petrolyo, inirekomenda rin ni Quimbo na simulan ang transisyon sa sariling bakuran ng pamahalaan.

Iminungkahi niyang gawing de-kuryente o palitan ng EVs ang hindi bababa sa kalahati ng mga sasakyang ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno.

​Samantala, kaugnay sa patuloy na paggalaw ng presyo ng krudo, inatasan ng mambabatas ang Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), at Philippine Competition Commission (PCC) na paigtingin ang pagbabantay sa merkado.

Layunin nitong mapigilan ang posibleng cartel-like behavior.ng mga malalaking kumpanya ng langis.

​Bagama’t kinikilala ni Quimbo ang naging papel ng oil deregulation law, iginiit nitong kailangang tiyakin ng mga awtoridad na mayroong tunay at patas na kumpetisyon upang maprotektahan ang mga konsyumer.

​Ang mga isinusulong na repormang ito ay kasunod ng babala ng mambabatas hinggil sa pang-ekonomiyang epekto ng krisis.

Inaasahan umano na posibleng pumalo hanggang 5.1 porsyento ang inflation rate ng bansa bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis, isang senaryo na inaasahang higit na magpapabigat sa pang-araw-araw na gastusin ng mga ordinaryong mamamayan.