-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Office of the Solicitor General (OSG) ang pangangailangan ng factual verification kaugnay sa mga alegasyon na gumagamit ng cyanide ang mga mangingisdang Chinese sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea (WPS)

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, pinag-aaralan na ng OSG ang legal na opsyon kaugnay sa mga isyu sa WPS.

Ngunit kapag dumating na ang tamang panahon, makikipagtulungan ang OSG sa iba pang kaukulang ahensya, kabilang ang Department of Foreign Affairs, Department of Justice, National Security Council, at iba pang pangunahing miyembro ng national task force on WPS.

Aniya, anumang legal na aksyon ay dapat na suportado ng malakas at karampatang ebidensya na kayang mapanindigan sa pagsisiyasat ng alinmang international tribunal.

Kaya naman, binigyang-diin ng OSG na lahat ng ahensya ng gobyerno ay dapat magtulungan at suportahan ang isa’t isa upang makamit ang iisang layunin na protektahan ang mga karapatan sa soberanya ng ating bansa sa WPS.

Kamakailan nga ay ibinunyag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Spokesperson Nazario Briguera na nakatanggap ang ahensya ng mga ulat na gumagamit ng cyanide ang mga mangingisdang Tsino para intensyonal na sirain ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal para pigilan ang mga Pilipino na mangisda sa naturang karagatan.

Maliban pa sa mga Chinese, gumagamit din umano ang mga mangingisdang Vietnamese ng cyanide. (With reports from Bombo Everly Rico)