Pinaiimbestigahan ni House Committee on Peoples Participation chairman at San Jose Del Monte Rep. Florida Robes ang maling paggamit ng mga drones.
Sa ilalim ng inihain niyang House Resolution No. 2473 npong Enero 26, sinabi ni Robes na makakatulong ang isasagawang imbestigasyon kung sakali para makabalangkas silang mga mambabatas ng isang panukalang batas na magre-regulate sa paggamit ng mga drones at iba pang unmanned aircraft.
Inihain niya ang resolusyon na ito matapos na makatanggap ng reports na nakatulong ang mga drones sa mga pagnanakaw, katulad nang nangyari aniya sa Bustos, Bulacan.
Bukod dito, may nagpalipad din aniya nang drone sa kanyang ancestral house sa Bustos, Bulacan noong Enero 21 na halos pumasok na nga rin aniya sa kanilang kusina.
Tinukoy sa resolusyon na kanyang inihain ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na nagsabi na hindi naman kailangan sa pagpapalipad ng drone para sa recreational purposes ang anumang regulations, registration o permit.
Pero iginiit ng CAAP na hindi pinapayagan ang mga drones na pumasok sa anumang pribadong lugar at populated zones, tulad na lamang ng mga subdivisions at residential areas.