CENTRAL MINDANAO – Aprubado na sa Sangguniang bayan sa Libungan Cotabato ang batas sa mahigpit na paggamit ng face mask.

Ito ang kinumpirma ni Libungan Municipal Mayor Christopher “Amping” Cuan.

Sinabi ng alkalde na ang lalabag sa ordinansa ay may kaparusahan sa lokal na pamahalaan ng Libungan.

Ang 1st offense ay magmumulta ng P500, ang 2nd offense ay P1,000 at 3rd offense ay papatawan ng P2,000 at panghuli ay mahaharap sa kaukulang kaso.

Samantala sa bayan ng Libungan ay pinahihintulutan ang angkas sa motorsiklo ngunit kailangang asawa at anak lamang ang sasakay, mayroong OR-CR, driver’s license at naka-face mask.

May inisyu rin ang lokal na pamahalaan ng Libungan sa magkaangkas na mag-asawa na tinatawag na couple pass.

Dagdag ni Mayor Cuan, hindi rin siya sang-ayon sa mungkahi na online class ng Department of Education (DepEd) dahil usad pagong umano ang linya ng internet sa bayan ng Libungan.

Pabor din ang alkalde na habang walang vaccine laban sa COVID-19 ay manatili muna sa bahay o stay at home dahil hindi mura ang magkasakit.

Sa ngayon ay mahigpit pa rin na ipinatutupad sa bayan ng Libungan ang mga umiiral na alituntunin kontra COVID-19.