Sarzuela o romcom lamang ang ginagawang pagdistansiya ni Davao City Mayor Sara Duterte kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng 2022 presidential election, isang camouflage para ipakita sa publiko na magkaiba ang mag-ama sa pamamahala ngunit ang katotohanan ay magkapreho lamang kaya hindi dapat malinlang ang publiko.
Ito ang tinuran ni dating Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Secretary General Bro Clifford Sorita sa harap na rin ng ginagawang pagbabatikos ni Mayor Sara sa mismong partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban, ang pagdistansya nito sa isinusulong na Sen Bong Go at President Duterte tandem sa 2022 at pagtanggi sa Duterte-Duterte tandem.
Ayon kay Bro. Sorita ang lahat ng argumento sa bandang huli ay tutumpok din sa Duterte-Duterte at hindi dapat malinlang ang publiko sa ganitong camouflage.
“Tingin ko sa lahat ng yan ay simply sarzuela or romcom between Sen Go, mayor Sara and our President, Mr Duterte. Minsan kasi you have to look past the subterfuge, the camouflage, because all these alignments will just boil down to one thing, Mapa-anong configuration yan Duterte-Duterte configuration or Go-Duterte, whichever Duterte that may be,” paliwanag ni Sorita.
Naniniwala ang dating PPCRV Head na ang nangyayari sa ngayon ay nais lamang na timplahin ng mga Duterte kung ano ang mas acceptable na tandem configuration.
“Kasi masyadong pumalpak itong Covid 19 response, lets face it the pandemic response is a failed response and talagang people are not happy with what’s happening so it’s a camouflage to distance one campaign to the other,” giit pa ni Sorita.
Paala nito na hindi dapat ma-misled ang tao dahil ang katotohanan ay kabilang ang mag ama sa iisang grupo, ang Davao Group.
“It is the same group trying to regain power, whatever happens for another 6 years. It is simply an extension of power lang naman. Let the people be aware of it na its is not a different configuration, the drama, the sarzuela, this 2 different groups. Di ba aakalain mo magkaiba? Pero hindi naman dalawang separate groups kasi the people behind it are still the same people,” pagtatapos nito.
Kapwa sina Pangulong Duterte ay Mayor Sara ay nakatanggap ng puna sa kanilang pagtugon sa pandemic, ang national government ay binabatikos sa maling paggamit ng covid funds ng Department of Health, mabagal na vaccination drive at kawalang sistema sa covid response habang ang alkalde ay kinondena sa ginawang pag-iikot sa mga lalawigan at kunsultasyon sa mga political leaders habang ang Davao City ay nahaharap sa COVID surge at may pinakamataas na kaso na nahigitan pa ang National Capital Region.