Wala nang panahon ang Kamara para talakayin ngayong taon ang nilalaman ng impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, ayon sa ilang kongresista.
Sa isang pulong balitaan nitong umaga, sinabi ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez at AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, na kapwa vice chairperson ng House committee on justice, na posibleng sa susunod na taon na masisimulana ng mga pagdinig sa impeachment complaint.
Ayon kay Rodriguez, wala na silang material time para maihabol ito bago pa man matapos ang kasalukuyang taon sapagkat sa Disyembre 18 na ang Christmas break ng Kongreso.
Sa ilalim ng patakaran ng Kamara sa impeachment, si Speaker Lord Allan Velasco ay binibigyan ng 10 araw para maisama ang impeachment complaint laban kay leonen sa order of business ng Kamara.
Pagkatapos nito, sa loob ng tatlong araw, saka pa lamang maire-refer sa House Committee on Justice ang naturang reklamo.
Sa ngayon, tatlong session days na lamang ang natitira bago mag-adjourn ang Kongreso ng kanilang session sa loob ng isang buwan.
Bukod sa kulang na sa ngayon ang kanilang oras para talakayin ang impeachment complaint laban kay Leonen, sinabi rin ni Rodriguez na maraming mahahalagang panukalang batas, kabilang na ang Bayanihan 3, sa kanilang dapat na unahin.
Iginiit ni Rodriguez na hindi dapat madaliin ang pagtalakay sa impeachment complaint dahil inihain ito kontra sa isa sa mga miyembro ng Kataas-taasang Hukuman.
Tiniyak naman din ng kongresista na magiging patas sila sa kanilang magiging pagdinig, at bibigyan din ng sapat na panahon si Leonen para sagutin ang mga reklamo laban sa kanya.
Magugunita na noong Lunes ay inihain ni Fiipino League of Advocates for Good Government (FLAGG) secretary general Edwin Cordevilla ang impeachment complaint laban kay Leonen.
Inaakusahan niya si Leonen ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Inendorso ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba ang naturang impeachment complaint.
Si Barba ay pinsan ni dating Sen. Bongbong Marcos, na nagnanais namang padestansiyahin si Leonen sa pagdinig ng kanyang poll protest laban kay Vice President Leni Robredo.