-- Advertisements --

Napapanahon na umano para tuluyang i-settle o pagdesisyunan ang isyu ukol sa 2/3 votes o 16-vote treshold para sa conviction ng isang impeachable official.

Nanindigan ang dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president na si Atty. Egon Cayosa na kailangan na ng Senado na tukuyin ang treshold para sa conviction habang nasa kalagitnaan pa lamang ang impeachment trial vs VP Sara Duterte.

Habang mas maaga kasi aniya ang pagdesisyon ng mga senator-judge ay mas mabibigyan ang House Prosecution at ang Defense ng pagkakataong makagawa ng legal na hakbang ukol sa naturang desisyon.

Inihalimbawa nito ang posibilidad ng paghahain ng petisyon sa Supreme Court ng alinman sa dalawang panig upang hingan ang kataas-taasang hukuman ng ‘definitive ruling’ ukol sa issue.

Nanindigan din ang batikang abogado na may kapangyarihan ang Senado na resolbahin ang naturang usapin at pagdesisyunan kung pananatilihin ba sa 16 ang voting treshold para sa conviction o ibaba ito, salig sa bilang ng mga senator-judge na nakikibahagi sa umuusad na paglilitis.

Sa kabilang banda, hindi rin inaalis ni Atty. Cayosa ang posibilidad na hindi na rin makiki-alam ang Supreme Court sa isyu, kahit pa may maghahain ng petisyon ukol sa gagawing hakbang ng Senado.

Maaari kasi aniyang sabihin ng SC na trabaho ng Senate Impeachment Court na desisyunan ang isyu, dahil ito ang binigyan ng kapangyarihan para desisyunan ang lahat ng usaping umiikot sa impeachment trial.