Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang pagtaas ng bilang ng mga kalahok sa Balikatan Exercises 2026 ay malinaw na indikasyon ng lumalakas na suporta ng mga kaalyadong bansa sa pagsisikap ng Pilipinas na maprotektahan ang maritime domain at mapanatili ang soberaniya nito.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, sa kabila ng mga batikos mula sa Chinese Communist Party, taos-pusong nagpapasalamat ang AFP sa mga bansang patuloy na nagpapakita ng suporta sa pamamagitan ng kanilang aktibong partisipasyon sa nasabing pagsasanay.
Iginiit din ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na hindi sila magpapaapekto sa mga kritisismo at mananatiling matatag sa pagpapatuloy ng Balikatan, na bahagi ng kanilang mandato sa pagtatanggol ng bansa.
Samantala, binigyang-diin pa ni Trinidad na hindi rito nagtatapos ang mga ganitong uri ng military exercises, at inaasahan ang mas marami pang susunod na aktibidad—maging bilateral o multilateral—bilang pagpapalakas ng kooperasyon at seguridad sa rehiyon.















