-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Binabantayan ng mga health workers ang pagdami ng mga naitatalang kaso ng leptospirosis dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Ana De Guzman, umabot na sa 20 na katao ang naitalang may leptospirosis sa probinsya, at 4 naman ang naitalang nasawi, mas mataas kumpara noong nakaraang taon na 19 ang naitala, at 1 ang nasawi sa parehong panahon.

Aniya, inaasahan pa ang pagtaas ng kaso dahil sa epekto ng baha.

Kaugnay nito, libre aniya ang gamot na Doxycycline na makukuha sa health center, kung kaya’t hinihikayat niya ang mga babad lagi sa baha na uminom ng gamot upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na leptospirosis.

Samantala, kabilang sa mga sintomas ng sakit na leptospirosis ay ang pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng kalamnan, pagdudumi, pamumula ng mga mata, panginginig, at pagkakaroon ng pantal sa katawan.

Umaabot naman sa 4,654 na kaso ang naitala sa water borne diseases at 14 dito ang nasawi mas mataas ng 18% kumpara noong nakaraang taon 3,921.

Isa rin sa mga binabantayan ng mga health workers ay ang sakit na typhoid, na kung saan, 97 na ang naitala sa probinsya mas mataas ng 22% kumpara noong nakaraang taon na 79.

Nakukuha naman ang sakit na thphoid sa kontaminadong tubig at pagkain.

Dagdag pa rito, patuloy ang ginagawang monitoring ng mga health workers sa mga kabahayan upang makapagbigay ng assistance sa publiko sa tulong ng isinulong ng bise gobernador na water treatment partikular na a bayan ng Calasiao.

Paalala naman nito sa publiko, kapag lumulusong sa baha o maputik na lugar, gumamit ng bota o proteksyon sa paa, huwag maglaro sa tubig baha, upang makaiwas sa sakit na dulot ng tubig baha.