Kumpiyansa ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency-7 na magiging matagumpay ang pagpapatupad ng One Cebu Inter-agency Interdiction Task Force(OC-IAITF) at mapigilan ang drug trafficking sa Cebu sa pamamagitan ng aktibong pamumuno at magkakaugnay na plano.
Inihayag pa ni PDEA-7 Director Levi Ortiz, malaki ang maitutulong ng task force na mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at umaasang gayahin din ito ng ibang mga lugar sa bansa.
Ipinunto pa ng opisyal na hindi pinagmumulan ng droga ang Cebu kundi pumapasok lang dito.
Nitong Miyerkules lang, Disyembre 7, nang pinangunahan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang 13 law enforcement agencies at non-government concerned sectors.
Inatasan ang mga ito na tiyakin ang mas mahigpit na seguridad sa mga borders sa buong isla partikular ang mga ports at seaports na itinuturing na pangunahing entry point ng mga kontrabando dito.
Umaasa naman ni Police Regional Office-7 Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba na magtatagal ang adbokasiya sa kabila ng mga hamon dahil aniya ay makatulong ito na iligtas ang potensyal na biktima at posibleng krimen dahil sa droga.
Sa panig ni Garcia, naniniwala itong malalampasan ng Cebu ang panganib na dala ng droga sa pamamagitan ng paggawa ng aksyon.