Kinakailangang bumuo muna ng legal framework sa pamamagitan ng batas bago isulong ang people’s initiative upang amyendahan ang 1987 Philippine Constitution.
Binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos ang kawalan ng isang partikular na batas na namamahala sa people’s initiative sa kasaysayan ng bansa.
Samantala, inihayag din ni Marcos na ang isyung ito ay matutugunan kapag sinimulan na ang deliberasyon ng Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6), na layong amyendahan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas.
Punto pa ng senadora na kabisado na raw ang constitutional convention (con-con) at ang people’s initiative hindi pa nagagawa sa buong kasaysayan ng Pilipinas.
Ang Korte Suprema, sa desisyon nito sa Santiago versus Commission on Elections, ay nagdeklara na walang executory law para sa people’s initiative para sa Charter change kung saan binanggit ang kakulangan sa Republic Act 6736 o The Initiative and Referendum Act.
Hinimok ni Marcos ang Senado na magtulung-tulong na bumuo ng batas na maglalarawan sa method, process, guidelines, at safeguards para sa matagumpay na people’s initiative.
Una rito, nitong Martes, sinimulan na ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, na pinamumunuan ni Marcos, ang pagdinig sa mga alegasyon ng panunuhol, panlilinlang, at iba pang ilegal na aktibidad na nauugnay sa patuloy na people’s initiative.
Sa pagdinig, lumabas ang mga testimonya at ebidensya na nagdawit kay Speaker Martin Romualdez at iba pang miyembro ng House of Representatives sa inisyatiba.
Bukod dito, sisimulan na rin sa susunod na linggo ang pagdinig ng Resolution of Both House no. 6 o pag-amyenda sa ilang economic provisions ng Konstitusyon.