Kinilala ng ilang senador ang bayanihan ng publiko sa pamamagitan ng community pantries sa iba’t-ibang lugar para sa mahihirap na Filipinong apektado ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na maituturing na inspirasyon ang ganitong hakbang at nakakapawi ng kawalan ng pagasa ng mga dumaranas ng kahirapan
Pero sa kabilang banda, may kaakibat din umano itong mensahe sa gobyerno na kailangan pa ng mas epektibong pagtugon sa kahirapan.
Para naman kay Sen. Risa Hontiveros, maganda ang mga pagkukusa ng mga tao ngunit hindi kayang saluhin ng publiko ang gobyerno habang panahon.
Sa panig ni Sen. Leila De Lima, hindi maitatanggi ang kakulangan ng suporta ng gobyerno kaya may mga nagkukusa na lamang sa kanilang sariling aksyon.
Binanggit naman ni Sen. Imee Marcos na buhay pa rin ang bayanihan sa mga Filipino ngunit sumasalamin din ito sa kawalan ng sapat na ayuda kaya marami ang pumipila sa libreng mga pagkain sa community pantry.










