-- Advertisements --

Inaasahan ng Pilipinas na madaragdagan ang bilang ng mga turistang Ruso na bibisita sa bansa matapos humiling ang ilang Russian airlines na maglunsad ng direktang biyahe mula Russia patungo sa mga pangunahing destinasyon ng turismo sa Pilipinas.

Sa panayam ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kay Philippine Ambassador to Russia Igor Garlit Bailen sa Kazan, Russia nitong Martes, sinabi nitong interesado ang mga Russian tourists sa mga tourist destinations sa bansa.

Ayon kay Bailen, nagsimula noong nakaraang taon ang Russian airline na IrAero ng chartered flights patungong Kalibo, Aklan mula sa mga lungsod ng Irkutsk at Khabarovsk sa silangang bahagi ng Siberia.

Sinabi rin ni Bailen na inaasahan nilang madaragdagan pa ang mga direktang biyahe mula sa iba pang airlines upang mas marami pang turistang Ruso ang makabisita sa Pilipinas at maranasan ang natatanging hospitality ng mga Pilipino, habang pinalalawak ng bansa ang mga pinagmumulan ng mga dayuhang turista bukod sa China, South Korea, at Estados Unidos.

Ayon pa kay Bailen, malaki ang interes ng mga Ruso na bumisita sa Pilipinas, at mahalagang mahikayat ang mas marami pa sa kanila dahil sa malaking ambag sa sektor ng turismo.

Dagdag pa niya, kabilang ang Thailand, Indonesia, at Vietnam sa mga pangunahing destinasyon ng mga turistang Ruso sa mga bansang kasapi ng ASEAN.