Isinusulong ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng proteksyon para sa mga naiwang anak ng mga Overseas Filipino Workers.
Sa ilalim ng panukalang batas na inihain ni OFW Partylist Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino, titiyakin ditong hindi mapapabayaan ang mga anak ng mga OFW, habang ang mga ito ay nasa ibayong dagar.
Kabilang sa mga nakapaloob dito ay ang obligasyon ng mga OFWs na magsumite ng mga dokumento sa pamahalaan, na nagsasaad ng pangalan ng mga mag-aalaga sa kanilang mga anak na iiwan sa bansa.
Kabilang dito ang mga solo-parent, mag-asawa o maging ang mga mag-live-in partner na parehong magtutungo sa abroad.
Nakapaloob din sa panukala na bibisitahin ng Department of Social Welfare and Development at mga opisyal ng barangay ang magiging guardian ng mga bata upang mamonitor ang maayos nitong kalagayan.
Paliwanag ng kongresista na maraming pagkakataon nang napapabayaan ang mga anak ng mga OFWs na naiiwan dito sa bansa.
Inihalimbawa rin nito ang nangyari lamang nitong Marso kung saan, namatay ang apat na anak ng isang OFW matapos silang pagsasaksakin ng kaniyang naiwang live-in partner, na siyang nagsilbing guardian ng mga ito.
Ayon sa kongresista, mapipigilan ang mga kahalintulad na insidente, oras na maisabatas ang panukalang ito, na magbibigay ng garantiya sa kaligtasan ng mga maiiwak anak ng mga OFW na tinaguriang mga modernong bayani.