-- Advertisements --

Itinuturing ni Sen. Bong Go na welcome development ang pagbabayad na ng PhilHealth ng paunang P500 million sa pagkakautang nito sa Philippine Red Cross (PRC).

Sinabi ni Sen. Go, bilang Senate Committee on Health chairman, ang importante ay hindi pa lalong maapektuhan ang testing capacity ng bansa at hindi na madagdagan pa ang pinapasan ng mga kababayan nating kailangang gumastos para sa COVID-19 testing.

Ayon kay Sen. Go, nag-iingat lang ang PhilHealth sa paglalabas ng pera para maiwasang maulit ang mga pagkakamali.

Inihayag din ng mambabatas na sang-ayon sa PhilHealth, tinitiyak nilang dumaan sa tamang proseso ang mga hakbang na ginagawa nila para maresolba ito.

“Base sa mga pagpupulong na dinaluhan ko noon, nanindigan naman ang PhilHealth na aaksyunan nila ang obligasyon nila sa Philippine Red Cross. Si Pangulong Duterte din ay nagsabi mismo na babayaran ng gobyerno ang kailangan bayaran sa Red Cross,” ani Sen. Go.

“Bilang chair ng Senate Committee on Health, ang importante sa akin ay hindi pa lalong maapektuhan ang testing capacity ng bansa at hindi na madagdagan pa ang pinapasan ng mga kababayan nating kailangang gumastos para sa COVID-19 testing. Buhay at kabuhayan ng mga kababayan natin ang nakasalalay dito.”