Makikinabang pa umano ang sektor ng turismo kung sakaling ipagbawal na ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment sa epekto ng POGOs sa employment, ipinaliwanag ni NEDA assistant secretary for the Policy and Planning Group Lynne Ducanes na mas malaki ang negatibong epekto ng POGOs kumpara sa mga kita na hatid nito sa bansa.
Ito ang naging tugon ng NEDA official sa pagtatanong ni Parañaque Rep. Gus Tambunting kung maaapektuha ang ekonomiya ng bansa kapag ipinagbawal ang POGO sa bansa.
Saad pa ng NEDA official na makakaapekto sa reputasyon ng Pilipinas dahil sa fraudulent activities may kinalaman sa POGO sa bansa lalo na sa potential investors.
Bagamat sinabi ng opisyal na maaaring mawalan din ang bansa gaya ng office rental revenues mula sa POGO ay mas mahihikayat naman ang mga turista mula sa China kung saan ipinagbawal ang gambling, para bumisita sa ating bansa.
Samakatuwid, sa pamamagitan ng pagpapalakas sa turismo, makakabawi ang bansa mula sa mga pagkalugi.
-- Advertisements --