Binatikos ng progresibing grupo ang pagbabawal ng pamunuan ng Kamara hinggil sa pagsusuot ng anumang attire na may dalang political message sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Sa memorandum kasi na inilabas ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza nuong July 20, 2022 nakasaad dito na bawal magsuot ng political costumes ang mga bisita sa SONA ni PBBM na bagay na taun-taong nangyayari na hindi naman binabawalan.
Ikinagalit ng ilang mga aktibista at progresibong grupo ang nasabing memorandum, gaya na lang ng Makabayan bloc, lalo na’t tila kauna-unahan daw ito sa kasaysayan ng Pilipinas.
Kilala ang mga militanteng kinatawan ng Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Kabataan, ACT Teachers at Anakpawis party-list sa pagdadala ng mga kasuotang nagpapakita ng kanilang pulitikal na adbokasiya sa tuwing SONA ng pangulo.
Ilan na rito ang pagtataguyod ng human rights, pagbabasura ng Terror Law, pamamahagi ng lupa atbp.
Ipinasilip na rin ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang kaniyang susuuting Sona protest attire.
Isang itim na shawl na tinahi sa pamamagitan ng kamay na may brooch na sulu at pininturahan na may isang guro.
Bawat SONA may kaniya kaniyang disenyo sa kanilang pananamit ang mga progresibong grupo na agaw pansin din sa red carpet.
Bukod sa handa na ang mga gagamiting SONA protest attire, nakahanda na rin ang mga ito na magsagawa ng kilos protesta.
Samantala, ipinakita din ng Kabataan Partylist ang SONA protest barong sketch na gagamitin ni Rep. Raoul Manuel.
Sa paggawa ng nasabing outfit, ang Barong Filipino ay ginawang canvass para sa isang mural painting na naglalarawan daw sa patuloy na daloy ng enerhiya, pag-asa, pakikibaka at optimismo ng kabataan sa pagpapasulong ng edukasyon, kabuhayan, kalusugan, at karapatang pantao bukod sa iba pang mga isyung ipinakita.