
Pinagpaplanuhan ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI), kasama ang iba pang mga concerned agencies ang pagbabalangkas ng mga rekomendasyon na tutugon sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.
Ito ay matapos ang naging pagpupulong ng nasabing kagawaran kasama ang Department of Agriculture (DA) kung saan tinalakay nito ang nararanasang mataas na presyo ng itlog at kakulangan sa suplay ng sibuyas sa mga merkado.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, sa ngayon ay wala pang pinal na napag-uusapan at desisyon sa nasabing pagpupulong.
Ngunit sa pagbabalik aniya ni DTI Sec. Alfredo Pascual sa bansa mula sa dinaluhan nitong World Economic Forum sa Davos, Switzerland kasama si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nakatakda naman itong makipagpulong sa National Price Coordinating Council (NPCC) upang bumuo ng mga resolusyon at makagawa ng rekomendasyon sa pangulo na tutugon sa mga suliranin sa supply chain sa bansa.
Samantala, nilinaw naman ni Castelo na ang hirit na taas-presyo ng mga manufacturer ng tinapay ay hindi dahil sa mataas na presyo ng itlog.
Ito aniya ay dahil sa mataas na halaga ng harina na noong nakalipas na taon pa iniinda ng mga gumagawa ng tinapay.
Hindi naman kasi aniya lahat ng tinapay ay may sangkap na itlog tulad ng loaf bread at pandesal.
Ngunit kasalukuyan na raw tinatalakay ngayon ng mga kinauukulan ang mga tulong na maaaring maihatid ng gobyerno sa mga manufacturer ng tinapay na apektado ng nasabing krisis.
Kung maaalala, una nang inamin ni Castelo na ilang manufacturers ng mga pangunahing bilihin ang humihirit ngayon sa DTI ng price adjustments ng hanggang 20% sa suggested retail price ng kagawaran.
Ngunit kasabay nito ay binigyang-diin ng ahensya na lilimitahan lamang nito sa 10% ang pahihintulutang taas-presyo sa mga pangunahing produkto.
Samantala, hindi naman kailangang mangamba ng taumbayan dahil pagtitiyak ng DTI na hangga’t maaari ay hindi nito isasabay sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin ngayon ang paglalabas ng SRP ng ahensya para sa mga pangunahing produkto sa merkado.










