-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tutol si Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon sa timing ng isinasagawang pediatric COVID-19 vaccination edad 12 hanggang 17-anyos.

Binigyang diin ni Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi tugma ang hakbang ng pamahalaan sa kagustuhan na buksan at makabangon ang ekonomiya ng bansa na pinadapa ng pandemya.

Kung siya ang tatanungin, dapat ay inuna muna ang pagbabakuna sa mga napapabilang sa mga priority groups tulad ng mga health workers, essential workers, senior citizens at mga indibidwal na may commorbidities.

Ito ay wala pa rin kasi aniyang katiyakan kung sasapat na ang supply ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

Paano aniyang matitiyak na magiging maganda na ang takbo ng ekonomiya kung may mga essential workers pa na hindi nakakatanggap ng kahit unang dose ng bakuna.

Dahil sa expansion ng pediatric COVID-19 vaccination, sinabi ni Leachon na posibleng malayo pang maabot ng bansa ang inaasam na herd immunity dulot ng kalat-kalat na pagbabakuna.