Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang pag-triple ng sweldo ng ilang executives at opisyal ng Philhealth partikular nuong kasagsagan ng Covid-19.
Sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations para sa proposed 2024 budget ng Department of Health o DOH, inungkat ni Anakalusugan Partylist Rep.Ray Reyes ang 2022 report ng Commission on Audit o COA kung saan nasilip ang pag-taas ng sahod ng Philhealth officials.
Tinanong ni Reyes kung ano ang naging basehan ng pagtaas na ito, at papaano ito ipapaliwanag sa publiko lalo’t humihingi pa ang Philhealth ng higit P100 billion na subsidiya.
Sagot ni Philhealth Corporate Spokesperson Dr. Ish Pargas,
ang taas-sweldo ay batay sa Executive Order o EO 150 na galing sa Malakanyang para sa standardization ng mga sahod.
Paliwanag pa ni Pargas na bago sila payagan na mai-pattern ang sweldo sa EO 150, mayroon silang aplikasyon sa Governance Commission for GOCCs o GCG at may “certification process” hanggang sa maaprubahan.
Dagdag ni Pargas, hindi lamang ang Philhealth ang nag-triple ng sweldo kundi pati iba pang GOCCs.
Naging epektibo naman ito noong 2022, kaya banat tuloy ni Reyes ang lakas naman ng loob na magtaas ng sahod sa gitna pa ng pandemya.
Tiniyak naman ni Reyes na ire-review niya ang EO na ito.
Hiniling din ng mambabatas sa Philhealth na taasan naman ang kanilang case rate sa konsulta package.
Sinabi ni Reyes iilang ospital, clinic at doktor lang ang nakikibahagi sa programa dahil sa P500 lang ang case rate para dito.
Dagdag pa ni Reyes na noong huling pulong nila sa House Committee on Health noong August 26, sinabi na ng Philhealth ay sapat na kung maitataas sa P3,500 ang case rate sa konsulta package.
Ayon sa Philhealth, nasa proseso ngayon ang Philhealth ng pag-develop ng isang comprehensive outpatient benefit package para maitaas ang case rate at maaaring ma-roll out sa 2026.
Sa ngayon, ipatutupad muna nila ang Libreng Philhealth Gamot upang mula sa 21 essential drug list sa ilalim ng kasalukuyang konsulta package ay maitaas ito sa 55.
Binigyang-diin ni Reyes hindi na aniya dapat hintayin ang dalawang taon bago maipatupad ang pinalawig na konsulta package.
-- Advertisements --