Binigyang diin ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na ang pinakamainam na solusyon sa mataas na presyo ng bigas sa bansa ay ang pag-review sa 2019 Rice Tarrification Law.
Isinisisi kasi ng ilang mga agricultural group ang mataas na presyo ng bigas sa umano’y rice cartel sa mga traders, importers at millers.
Kung saan sa kasalukuyan ibinibenta ang bigas sa pagitan ng P50 hanggang P62 kada kilo sa mga palengke sa Metro Manila at inaasahang sisipa pa ito sa pagitan ng P60 hanggang P65 sa susunod na linggo.
Ipinunto naman ni DA Assistant Secretary Chief of Staff Rex Estoperez na dapat tignan kung ano pa ang kailangang amyendahan at dapat na palakasin na mga probisyon sa ilalim ng naturang batas.
Sa ilalim kasi ng Rice Tarrification Law, tinggal ang quantitative limits ng kalakalan ng bigas at nagtakda ng minimum na 35% taripa sa mga inaangkat na produkto.
Inatasan din nito ang National Food Authority na bumili lamang ng mga bigas na prinoduce ng mga lokal na magsasaka at panatilihin ang buffer stock na 15 hangang 30 araw na katumbas ng rice consumption sa buong bansa.