-- Advertisements --

Sang-ayon si Senator JV Ejercito sa naging proposal ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) na i-regulate ang bentahan ng wangwang at blinkers sa bansa.

Ito ay sa kabila ng mga pang-aabuso umano ng ilang mga motorista sa paggamit nito sa mga kalsada.

Paliwanag ni Ejercito, tanging mga indibidwal na mayroong sensitibong posisyon lang tulad ng pangulo, pangalawang pangulo, senate president at speaker of the house, chief justice at iba ang pinahihintulutan ng batas na gumamit ng wang wang sa kalsada.

Ngunit kapansin-pansin aniya na halos lahat na ay mayroong wangwang sa kani-kanilang mga sasakyan sa nakalipas na mga taon.

Dahilan kung bakit kinakailangan aniya na ma-regulate ang bentahan nito kung saan tanging mga awtorisadong distributor lamang ang papayagan na magbenta ng mga ito.

Kamakailan lang ay mayroong ibinahaging video si Sen. Ejercito kung saan makikita ang isang private vehicle na escorted ng isang BMW GS1250 at back up na Mercedes 663.

Paglilinaw ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) mayroon lamang silang sinusunod na parameters o patakaran kung sinu-sino lamang ang maaaring gumamit ng wangwang, siren, blinkers tulad ng mga marked vehicle na gamit ng mga government officials na pinapayagang gumamit nito sa kalsada kung ito man ay may kaugnayan sa kanilang trabaho o paglilingkod sa bayan.

Ipinaliwanag din nila na hindi escort ang mga security officers na naka-back up sa isang sasakyan kundi road assistance na nagpapatupad naman anila ng pagtiyak na magiging smooth ang daloy ng trapiko patungo sa destinasyon ng isang awtorisadong indibidwal.

Matatandaan na nakasaad sa Presidential Decree 96 ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na isang paglabag sa batas ang paggamit o pagkakabit sa sasakyan ng mga sirena, bells, busina, whistles, o iba pang mga katulad na gadgets na naglalabas ng napakalakas o nakakagulat na tunog.

Kabilang din sa mga ipinagbabawal ay ang pagkakabit ng domelights at iba pang signaling o flashing device sa mga motor vehicles.

Ang sinumang mahuhuli na lumalabag dito ay agad na kukumpiskahin ang sasakyan habang ang mga repeat offender naman ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin Php600 at marevoke ang certificate of registration ng kanilang sasakyan.