BOMBO DAGUPAN – Hiniling sa pamahalaan ng National Federation of Sugar Workers na iimbentaryo ang bufferstock ng asukal at bigyan ng tulong ang mga maliliit na magsasaka sa tubuhan na matinding naapektuhan ng mataas na presyo ng abono.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay John Milton Lozande, secretary general ng National Federation of Sugar Workers, sinabi nito na hindi sila naniniwala na may kakulangan ng asukal sa bansa dahil may pumasok na 200,000 metric tons nitong Hulyo.
Panawagan niya ay magkaroon ng imbentaryo ang Sugar Regulatory Administration o SRA at Department of Agriculture sa bufferstock dahil tinatayang nasa 126,000 pa ang naka stock na asukal sa warehouse na hindi pa nailabas sa merkado.
Kinuwestyun ni Lozande bakit hindi pa ito naipapalabas sa merkado gayung sinasabing may kakulangan sa asukal sa bansa.
Dagdag pa niya na mahigit 200 percent ang itinaas ng abono sa loob ng mahigit 2 taon. Mula sa average na P800 – P850 na presyo kada bag ay umabot na ngayon sa P2,700- P2,800 ang presyo ng abono.
Ang ipinanawagan nila sa gobyerno ay maging abot kaya ng mga magsasaka ang presyo ng abono.