Nakitaan ng paglabag ng National Telecommunications Commission (NTC) sa kanilang inilabas na cease and desist order laban sa ABS-CBN ang pag-ere ng media giant sa kanilang mga palabas sa digital television.
Ito ay matapos na kuwestiyunin nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla sa joint hearing ng House committees on legislative franchises at ng good government and public accountability ang patuloy na operasyon ng ABS-CBN sa digital TV kahit pa paso na ang prangkisa nito noon pang Mayo.
Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na malinaw na nakasaad sa cease and desist order na kanilang inilabas na hindi maaring umere ang media giant kahit sa digital TV gamit ang frequency ng sister company nito na AMCARA Broadcasting Network sa pamamagitan ng Channel 43.
Maging sa provisional authority to operate na ibinigay aniya ng NTC sa AMCARA noong nakaraang taon ay nakasaad din na sa oras na mapaso na ang prangkisa ng ABS-CBN ay hindi na nito maaring gamitin ang kanilang frequency para sa digital television.
Ayon Cordoba, sumulat sila kaagad sa Office of the Solicitor General para humingi ng guidance matapos mapag-alaman umeere pa rin ang ABS-CBN sa Channel 43.
Natagalan lamang aniya ang kanilang pagtugon sa isyung ito dahil kaninang umaga lamang din aniya nila natanggap ang rekomendasyon ng OSG.
Ayon sa OSG, kailangan na maglabas ng NTC ng alias cease and desist order para ipahinto ang pag-ere ng ABS-CBN ng kanilang mga programa gamit ang Channel 43.
Pero ayon kay ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, umeere sila gamit ang frequency ng AMCARA dahil block timer sila dito, na pinapahintulutan naman aniya sa broadcasting industry.










