Tinukoy ng mga awtoridad sa Germany na isang terrorist attack na may kaugnayan umano sa Islamist extremism ang nangyaring pag-araro sa Pride event sa Berlin.
Naganap ang insidente malapit sa lugar kung saan ginaganap ang Christopher Street Day, isa sa pinakamalaking LGBTQ Pride events sa Europa.
Nabatid na isa ang nasawi habang 30 iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng isang puting minivan ang Tiergarten Park malapit sa Brandenburg Gate sa Berlin noong Sabado ng gabi.
Sa bilang na ito walo ang malubha ang kalagayan habang tatlo naman ang nasa kritikal ang kondisyon.
Kinilala ang suspek na si Abdul B, isang German citizen na may Lebanese background. Ayon sa mga imbestigador kakalaya lamang mula sa juvenile detention ng suspek dalawang buwan bago ang insidente at dati nang minomonitor ng domestic intelligence dahil sa umano’y posibleng ugnayan sa Islamic State group.
Ayon sa Berlin police, hinahanap pa ang suspek at nagbabala sa publiko na huwag itong lapitan dahil maaaring armado at mapanganib.
Patuloy din ang imbestigasyon upang malaman kung nag-iisa lamang ang suspek o kung may iba pa itong kasama, matapos sabihin ng pulisya na posibleng may higit sa isang tao ang bumaba mula sa sasakyan.
Tiniyak naman ng Germany na kanilang pananagutin ang mga suspek kung saa pag-uusapan rin ang ilang usapin sa pag-hihigpit ng immigration.










