Magiging mas mabilis na sa ngayon ang issuance ng permits at clearances para sa pagtayo ng towers ng mga telecommunication companies, ayon kay Interior Sec. Eduardo Año.
Sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Año na isang joint memorandum circular ang kanilang nilagdaan kasama ang mga local government units at iba pang ahensya ng pamahalaan para mapabilis ang approval ng permits at clearances para sa mga communication towers.
Kung dati inaabot aniya ng 200 days bago makakuha ng naturang mga dokumento sinabi ni Año na asahan na aabutin na lamang ito ng 16 hanggang 20 araw sa ngayon.
Ang problema sa red tape na ito ang siyang inirereklamo ng mga telecommunication companies kaya natatagalan din ang pagtatayo nila ng karagdagang mga cell sites.
Mababatid na noong Lunes, Hulyo 27, 2020, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara at kukunin ng pamahalaan ang mga telecommunication companies sa oras na hindi ayusin ng mga ito ang kanilang serbisyo.










