-- Advertisements --

Dinipensahan ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang constitutionality ng House Bill 8262, o ang Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3).

Ginawa ito ni Salceda matapos na aprubahan ng House Committee on Appropriations ang proposed Bayanihan 3, na naglalaman ng P405.6-billion halaga ng lifeline measures, kahit pa kulang ito ng isang constitutional requirement — ang Certificate of Availability of Funds (CAF) mula sa Bureau of Treasury (BTr).

Sa panayam kay Salceda, iginiit nito na hindi issue ang legality dahil mayroon na rin itong precedence noong 2006 nang gumastos ang pamahalaan ng P46 billion para sa pagtugon sa kalbaryong idinulot ng oil spill sa Guimaras at pagputok ng Mayon Volcano.

Hindi naman din kasi aniya malinaw sa Saligang Batas na kailangan agaran ang pagbibigay BTr ng CAF.

Ayon kay Salceda, ang CAF ay garantiya lamang din para talagang gastusin ng ehekutibo ang ilalaang pondo para sa isang appropriations bill.

Ang hinihingi lamang din aniya ng Saligang Batas na ang bawat special appropriations bill ay dapat suportado ang pondo at kung saan maaring kukunin ang pondo para rito.

Sa pagding ng komite kaninang umaga, sinabi ng BTr na may sobra pa sa kita at mayroon ding iba pang revenue sources para mapondohan ang mga proyekto ng pamahalaan.

Para kay Salceda, ang totoong issue sa Bayanihan 3 ay kung popondohan ba ng Department of Finance ang ikatlong stimulus package na ito.

Sa kanyang tanya, aabot lang naman sa .2 percent ang madagdag sa deficit ng Pilipinas kung matuloy ang Bayanihan 3.

Nabatid na ang itinakdang cap ng DOF para sa deficit ng bansa ngayong taon ay 8.9 percent ng gross domestic product, pero binago ito ng DBCC sa 9.4 percent ng GDP noon lang nakaraang linggo.