Tinanggap ng Commission on Human Rights ang naging desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court na iabswelto si dating senator Leila De Lima sa isa sa mga kasong kinakaharap nito.
Sa isang pahayag ay sinabi ng komisyon na ang pag-usad ng naturang kaso na nagpapakita lamang ng commitment ng hudikatura sa rule of law at justice.
Anila, ang panibagong development na ito sa kaso ni De Lima ay nagpapatunay lamang ng kawalang-sala ng dating senadora sa dalawa sa tatlong kaso ng ilegal na droga laban sa kaniya.
Dahil dito ay umaasa ngayon ang CHR na mabilis din mapagdedesisyunan ng Korte ang application for bail ni De Lima para sa kaniyang mga natitira pang mga kaso.
Kung maaalala, kahapon inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 ang desisyon nitong iabswelto si De Lima at dating bodyguard nitong si Ronnie Dayan sa kanilang kasong may kaugnayan sa mga bintang na pagtanggap ng suhol mula sa mga bilanggo sa loob ng New Bilibid Prison.
Ayon sa kampo ni De Lima, malaki ang naging bahagi ng pagbawi ng testimonya ni dating BuCor chief Rafael Ragos laban sa senadora pahinggil sa pagkakaabswelto ng kasong ito.