NAGA CITY – Kasabay ng nagpapatuloy na paggunita sa Mahal na Araw nanatili namang palaisipan sa mga residente ng isang barangay sa Sagnay, Camarines ang pagluha ng dugo ng imahe ni Our Lady of Fatima.
Maaalala, naging laman ng mga usap-usapan ang umano’y pagluha ng dugo ng imahe sa kalagitnaan ng mga aktibidad na may kinalaman sa pag-alala sa Semana Santa o Holy Week.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nida Geronimo, overall coordinator ng Soldier of Christ, sinabi nito na marami ang naniniwala na isang himala ang nangyari ngunit nanatili namang palaisipan sa kanila kung ano ang maaaring dahilan nito at kung maiikonsidera nga ba itong isang himala.
Aniya, nakarating na rin ang balita sa Archdiocese of Caceres at kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang simbahang Katolika hinggil sa nasabing pangyayari.
Una naman nang nagpalabas na pahayag si Bishop Elect Rev. Father Louie Occiano hinggil dito, kung saan ay posibleng abutin umano ng maraming taon bago tuluyang mapatunayan na milagro nga ang nangyari.
Ito’y lalo na at kinakailangan pang dumaan sa mga pag-aaral upang malaman kung talaga bang dugo ang iniluha ng imahe at kung nag mula ba talaga ito dito.
Binigyang diin rin ng mga ito na hindi lamang ang Archdiocese of Caceres ang magsasagawa ng imbestigasyon kung hindi maging ang Vatican bago pa mailabas ang resulta ng mga pag-aaral.
Dagdag pa ni Geronimo, bilang isang katoliko naniniwala ito na mayroong ibig iparating si Our Lady of Fatima kung kaya nangyari ang nasabing insidente. Ito rin naman umano ang pinaka unang pagkakataon na nangyari ito sa kanilang lugar maging sa buong lalawigan ng Camarines Sur.
Samantala, sa halip naman umano na matakot mas lalo lamang pinalakas at pinatibay ng pangyayari ang kanilang pananampalataya sa Diyos maging ang kanilang kagustuhan na makapaglingkod sa kanilang mga kapwa tao.
Sa ngayon, mananatili naman ang imahe sa kanilang parokya at maghihintay na lamang sila ng kautusan mula sa mas nakakataas na opisina kung ano ang maaaring gawin para dito.
Sa kabilang banda, magpapatuloy naman umano ang mga isinagawa nilang pagmimisyon sa mga komunidad upang mas mailapit hindi lamang ang pananampalataya kundi ang mga aral na makakatulong upang maging isang mabuting bahagi ng komunidad ang bawat mamamayan.