Pinaiimbestigahan ni Senate Public Information and Mass Media Chairperson Senador Robinhood Padilla ang pagiging epektibo ng information at awareness campaign ng gobyerno hinggil sa epekto ng El Niño phenomenon sa Pilipinas.
Sa inihaiing Senate Resolution 987 ni Padilla, binibigyang direktiba ang Senate Committee on Public Information and Mass Media na kanyang pinamumunuan na tingnan ang pagiging epektibo ng pagpapakalat ng impormasyon ng pamahalaan para sa paghahanda sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Padilla dapat ay alam ng mga Pilipino ang mga up-to-date at mga kailangang paghahanda at pagtugon ng national and local government ngayong nahaharap ang bansa sa mapanganib na lebel ng heat index na dulot pa rin ng El Niño phenomenon.
Mahalaga aniya ang awareness campaign upang masiguro na ang mga Pilipino ay “well-equipped” at may sapat na kaalaman para matulungan na maibsan ang adverse effect ng ganitong extreme weather condition.
Samantala, iminumungkahi naman ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Senador Francis Tolentino sa Armed Forces of the Philippines na magamit ang mga eroplano ng Amerika na kalahok sa military drill para sa cloud seeding upang bawasan ang matinding epekto ng El Niño sa bansa.
Sinabi ni Tolentino na maraming probinsya ang nakararanas ngayon nang matinding init ngunit walang kapasidad ang department of agriculture para magsagawa ng cloud seeding operations.
Bukod sa military drill, posible naman aniyang magsagawa ng humanitarian mission sa mga natural calamities o el niño hindi lamang ang amerika maging ang mga kalahok sa multilateral military cooperation.