Pumabor si senator Robin Padilla na gawing presiding officer si Senate President Sherwin Gatchalian sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y dahil umano malinaw ang probisyon ng konstitusyon hinggil sa tungkulin nito.
Sa isang panayam noong Lunes, sinabi ni Padilla na si Gatchalian ang nararapat na mamuno sa impeachment court at hindi ang ibang senador.
“Ang dapat nating tanungin ay kung papayag ba si SP Win. Kasi sa Konstitusyon, ang nakalagay doon, ang dapat mag-preside ay ang Senate President,” ani Padilla.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag kasunod ng naunang sinabi ni senator Panfilo Lacson noong Hunyo 17, na si senator Francis Escudero ang maaaring italang presiding officer sa impeachment trial dahil sa kanyang legal background bilang abogado.
Ayon kay Padilla, isang malaking usapin kung hindi ang Senate President ang uupong presiding officer sa paglilitis, dahil malinaw aniya ang nakasaad sa Saligang Batas tungkol sa proseso ng impeachment.
“Malinaw ang nasa Konstitusyon na kapag ‘yong Presidente ay ‘yong Chief Justice. Kapag pababa ay ‘yong Senate President,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Padilla na tungkulin ng Senate minority bloc na tiyaking nasusunod ang itinakda ng batas at nananatiling balanse ang mga proseso sa Senado.
Aniya, mas nararapat pa nga umanong hikayatin ng mayorya si Gatchalian na gampanan ang naturang tungkulin bilang pagpapakita ng paggalang sa institusyon ng Senado.
















