Pumirma na umano si Sen. Manny Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) sa kontrata upang depensahan ang kanyang WBO welterweight belt laban sa Australian undefeated boxer na si Jeff Horn (16-0-1, 11 KOs) sa July 2.

Ito ang kinumpirma ni Top Rank big boss Bob Arum kay Lance Pugmire ng Los Angeles Times.

Gayunman inamin ni Arum na meron pa ring ilang mga puntos ang isinasapinal pa.

Pero unti-unti na raw itong naayos dahil pumayag na ang magkabilang kampo.

Nagpaliwanag naman ang Top Rank CEO na hindi ganon kadali ang pagsasagawa ng laban sa nasabaing bansa lalo na at hindi ito gagawin sa Amerika.

Kasama raw kasi sa kanilang kinakausap ay ang mga Australian promoters at maging ang state government.

Binabalak na gawing venue ay ang Suncorp Stadium na kayang magkasya ang 55,000 mga fans.

Kumpiyansa si Arum na magiging sellout ang crowd sa Pacquiao-Horn showdown.

Kung maaalala nagpatumpik tumpik muna si Pacquiao sa pagharap kay Horn dahil sa tina-target sana  niya na matuloy ang laban kontra kay Amir Khan sa United Arab Emirates.