-- Advertisements --

Hindi na-satisfied si Pambansang Kamao at 8 Division World Champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao sa kaniyang mga naibigay na kombinasyon sa kaniyang laban kontra sa mexican boxer at WBC Welterweight Champion Mario Barrios.

Natanong kasi ang boksingero matapos ang laban ang hinggil sa kaniyang mga pinakawalang suntok at kung ano ang mga naging nakita niyang butas sa performance ni Barrios.

Ani Pacquiao, maingat magbato ng mga suntok si Barrios ngunit may laman at malakas ang mga pinapakawalan nito.

Dagdag pa ng 8 Division World Champion, bagamat masaya siya sa kaniyang naging performance sa kanilang naging laban ay hindin siya kuntento sa statistics ng kaniyang napakawalang mga suntok.

Aniya, hindi siya na-satisfy sa mga kombinasyon na kaniyang pinakawalan at nakita niyang dapat naging mas agresibo siya na magbato ng mga suntok at kombinasyon para sana sa isang knockout.

Sa punch statistics kasi ng naging laban ng dalawang boksingero ay lumamang sa score na 120/658 si Barrios para sa mga suntok na tumama kay Pacquiao habang ang Pambansang Kamao naman ay nakapagtala ng 101/507.

Samantala, bukas naman ang dalawang panig sa isang rematch upang malaman kung sino talaga ang dapat na maguwi ng kampyonato.

Sa kabila nito ay naging aminado naman si Pacquiao na isang malakas na katunggali ang mexican boxer.