-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pumanaw na si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez sa edad na 68-anyos.

Nagpaabot na rin ng mensahe ng pakikidalamhati ang alumni community ng Mariners Polytechnic Colleges Foundation (MPCF) sa lungsod ng Legazpi na itinatag ni Jimenez habang nagsilbi ring CEO at President.

Sinasabing aortic aneurysm ang ikinamatay ni Jimenez.

Pinamunuan ni Jimenez ang PACC mula sa pagkalikha nito sa bisa ng Executive Order No. 43 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 sa paghabol at pag-iimbestiga sa mga tiwaling opisyal sa executive branch at makapagrekomenda ng kaukulang parusa para sa mga ito.

Samantala, dagsa na ang mga nagpapaabot ng pakikiramay sa naiwang pamilya ni Jimenez mula sa mga malalapit na kaibigan at kapwa government officials.

Maaalalang bago maging opisyal ng PACC, unang nakilala ang pangalan ni Jimenez sa pagtatatag ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Si Jimenez rin ang pumalit sa kapwa Bicolano nitong si Vice-President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).