LEGAZPI CITY – Mistulang nasa “cloud nine” umano maging ang mga guro at supervisor ng Alternative Learning System (ALS) na pinasukan ni Marcelito Pomoy sa Polangui, Albay, matapos ang nakakamanghang performance nito sa America’s Got Talent (AGT): The Champions.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Harlet Villanueva, supervisor ng ALS Polangui North District, tunay na nakakabilib aniya ang ipinakita ni Pomoy na hindi lang inspirasyon sa musika kundi sa pag-aaral.
Ayon kay Villanueva, nakapagtapos si Pomoy sa ALS noong Hunyo ng nakaraang taon matapos irekomenda ni Polangui Vice Mayor Buboy Fernandez.
Kung maaalala, dalawang beses na nakasama si Marcelito sa grupo ng mga umawit ng “Lupang Hinirang” sa laban ni Senator Manny Pacquiao kung saan napag-usapan ang pagiging undergraduate ng singer.
Pero mismong si Pacquiao rin aniya ang nagtanong kay Coach Buboy sa maitutulong nito kay Marcelito hanggang sa makapag-enrol ito sa Polangui ALS Center noong October 2018.
Nabatid na sa Quezon Province nananatili si Pomoy na malayo sa Polangui, kaya pinadadalhan ito ng lessons at module sa bahay hanggang sa review class noong Pebrero 2019.
Malaki rin aniya ang tulong ni Pomoy sa paaralan sa mga nai-donate na learning materials na nagagamit na ng iba pang mga estudyante.
Ang 35-year-old Filipino singer mula Surigao del Sur ay grand finalist sa AGT-The Champions kung saan iaanunsyo ang finale result sa susunod na linggo.
kabilang s anaka-showdown ni “Mars” Pomoy ay ang German singer/dancer na si Hans, violinist na si Tyler Butler-Figueroa, dog trainer act na si Alexa Lauenburger, circus performer na Sandou Trio Russian Bar, at acrobatic pair na Duo Transcend.
Hinarap nila ang mga “golden buzzer” acts o yaong otomatikong pasok bilang grand finalist na sina Angelina Jordan, Boogie Storm, V. Unbeatable, at Silhouettes.
Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion na si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.
Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018