-- Advertisements --

Binigyan diin ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang ginawa nilang panuntunan para sa in-person campaigning ay para sa kaligtasan ng lahat sa kasagsagan ng campaign perion para sa national at local elections.

Sinabi ito ni Jimenez matapos sabihin naman noong Biyernes nina presidential at vice-presidential aspirants Senator Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III na dapat irekonsidera ng Comelec ang kanilang Resolution 10732.

Iginiit ng dalawang kandidato na bukod sa “impractical” ang prohibition na ito ng Comelec, hindi rin anila ito masyadong napag-isipan ng husto.

Dagdag pa nga ni Sotto na hindi maaring magpataw ng anumang health regulations ang Comelec.

Pero para kay Jimenez, “mali” ang ganitong characterization sa panuntunan na inilabas ng Comelec.

Dapat din aniyang matandaan ng lahat na hindi lahat ng mga karapatan ay maituturing “absolute” tulad nang sa tingin niya ay ipinupunto nina Lacson at Sotto na maaring nasasagasaan na ang karapatan sa free expression.

Gayunman, iginiit ni Jimenez sa mga nais magsumbong sa anumang campaign violations ay maaring dumireka lamang sa Comelec.

Tutulong aniya sila sa mga magsusumbong lalo pa kung natatakot din ang mga ito sa posibleng ganti mula sa mga politiko.