CEBU CITY – Aabot sa P9-milyong halaga ng pinaghihinalaang iligal na droga ang nasabat ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operations sa Cebu nitong Martes.

Kinilala ang mga naaresto sa unang operasyon sina Jose Morales, 28; at kasama nitong si Genevieve Milles, 24; sa lungsod ng Danao.

Nasa 25-gramo o P170,000 na halaga ng sinasabing illegal drugs ang nakuha sa naturang operasyon.

Ayon kay police Master Sgt. Arnold Labini, matagal ng nahuhuli ng pulisya si Morales ngunit ilang beses din daw itong nakalaya.

Sa hiwalay namang operasyon, naaresto si Judy Ann Longgahit, 28; na nakuhanan ng 1.3-kilo ng pinaghihinalaang shabu.

Nagkakahalaga raw ito ng P8.8-milyon.

Dumepensa si Longgahit at sinabing iniwan lamang ng kanyang kinakasama ang mga nasabat na kilo-kilo umanong shabu.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naarestong suspek.