MANILA – Tinatayang P800-million na utang ang hindi pa nababayaran ng pamahalaan mula sa ilang hotel na nagsilbing COVID-19 quarantine facility.
Ito ang inamin ni Office of Civil Defense director Ricardo Jalad sa gitna ng plano ng gobyerno na tapikin ang iba pang establisyemento na maging pasilidad ng mga pasyente.
“Base sa ating talaan dito, mayroong 18 hotels na hindi pa nababayaran… sa initial listahan na pinapakita nasa P800 million,” ani Jalad sa interview ng DZBB.
Kamakailan nang ipasa sa OCD ang trabaho ng Metropolitan Manila Development Authority sa pamamahagi ng bayad sa mga hotel quarantine facilities.
Ayon kay Jalad naging bahagi ng “Oplan Kalinga” ng National Task Force against COVID-19 ang nasabing mga hotel.
Kamakailan nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng okupahin ng pamahalaan ang mga hotel at motel dahil punuan na ng pasyente sa mga ospital.
Bukod dito, may mga naitatala na ring hawaan ng COVID-19 sa mga tahanan.
“I can order the authorities to take over the operations of hotels kung wala na talagang mga kama. Madali iyan. Hindi talaga problema yan,” ani Duterte.
“When we are pushed to the wall even by the microbe itself or external, internal, I can always order the military and the police to go there and confiscate the operations of hotels.”
Sa ngayon patuloy pa raw na inaayos ng OCD ang documentation sa pagbayad ng naturang hotel quarantine facilities.
Nilinaw naman ni Jalad na may pondong inilaan ang Department of Budget and Management, kaya tiyak na makakatanggap ng bayad ang mga establisyemento.