Inirekomenda ng mga kongresista na madagdagan ang proposed 2021 budget ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa ikalawang araw ng budget deliberations ng Kamara, isinusulong nina Deputy Speaker LRay Villafuerte at Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat na madagdagan ng P5 billion ang pondo ng DAR sa susunod na taon.
Sa kanilang hiniling na higit P32 billion na pondo para sa 2021, sinabi ng DAR na binigyan lamang sila ng Department of Budget and Management (DBM) ng P8 billion budget ceiling.
Pero ayon kina Villafuerte at Cabatbat, mainam kung madagdagan ito upang sa gayon ay maipatupad ng husto ang pilot project na Mega Farms.
Sa liham na kanyang ipinadala sa liderato sa Kamara, umapela ng suporta si DAR Usec. Bernie Cruz para sa Mega Farms project.
Layunin ng programang ito na mula sa subsistence farming ay tulungan ang mga beneficiaries ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) patungo sa commercial farming.
Sinabi ni Cruz na sa mga nakalipas na taon, maraming mga CARP beneficiaries ang ibinibenta o sinasangla ang lupang iginawad sa kanila, na siyang isa sa mga dahilan kung bakit bumababa ang productivity ng mga ito.
Sinabi ni Cabatbat na ito ang kadalasang batikos sa CARP dahil matapos na hinati-hati ang mga lupa ay nawawala naman ang economies of scale dahil hindi naman nagtatanim na ang mga benepisyaryo ng programa.
Ayon kay Ero, ito ang nais tugunan ng Mega Farms na kanilang isinusulong para matiyak din ang food security ng bansa kasabay nang pagbibigay ng tulong sa mga CARP beneficiaries.