-- Advertisements --

Bilang hakbang upang maibsan ang pasanin ng publiko sa gitna ng umiiral na krisis sa Middle East, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pamamahagi ng P8 bilyong pondo na hahatiin sa nasa 42,000 barangay sa buong bansa.

Inihayag ni Executive Secretary Ralph Recto na sa ilalim ng programang sinimulan noong Marso 24, makakatanggap ng tig-P200,000 ang bawat barangay.

Kabilang sa mga pinakabagong nabigyan ng pondo ang mga pamayanan sa Pilar, Bataan nitong nakaraang Huwebes.

Sa halip na ilaan lamang sa iisang proyekto, hinati ang alokasyon ng nasabing pondo.

Kalahati rito ay direktang nakalaan para sa isang finisher program na naglalayong isalba ang nasa 200,000 na college seniors upang hindi maantala ang kanilang pagtatapos dahil sa problemang pinansyal na idinulot ng krisis.

Ang natitirang P100,000 naman ay magagamit ng mga barangay para sa mga piling proyekto sa komunidad.
Kabilang dito ang pagpapakabit ng street lights, pagbili ng patrol vehicles at CCTVs para sa kaligtasan, o kaya ay mga power generators upang masiguro ang suplay ng kuryente sa mga health centers at evacuation centers tuwing may kalamidad.

Ayon kay Recto, ang pagpapalakas sa kapasidad ng mga lokal na pamahalaan at pamayanan ay direktiba mismo ng Pangulo.

Makakatuwang ng Office of the President ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Liga ng mga Barangay upang tiyakin ang maayos na pamamahagi at pagbabantay sa paggamit ng pondo.

Samantala, nagtakda naman ng mahigpit na deadline ang Malacañang kung saan kinakailangang maipamahagi ang buong halaga bago mag-Hunyo 2026, habang dapat itong magamit ng mga barangay bago matapos ang kasalukuyang taon.