Kasabay ng nagpapatuloy na kampaniya laban sa smuggling sa bansa, pumapalo sa kabuuang P78.9 million halaga ng iligal na inangkat na produktong pang-agrikultura ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon ng Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensiya ng gobyerno sa Manila International Container Port mula noong Disyembre 2022 hanggang Enero 2023.
Ibinunyag ng DA na naglalaman ang tatlong container vans mula sa Taculog J International Consumer Goods Trading ng mga smuggled na sariwang pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng P25.3 million noong Disyembre 27, 2022.
Sa ikalawang operasyon naman na isinagawa noong Enero 3, 2023, nasa limang containers ang naharang mula sa parehong supplier at sa Hutchison Jardine Trading Corporation na naglalaman ng P27.8 million halaga ng mga kontrabando gaya ng sariwang pula at puting sibuyas, frozen pork stomach pouch cuts at frozen boneless beef shanks.
Nasabat din ang nasa P23.58 million halaga ng iligal na inangkat na pulang sibuyas mula sa tatlong container mula sa Asterzenmed Inc sa ikinasang operasyon noong Enero 5.
Tiniyak naman ng DA na kanilang papanagutin ang mga iligal na importer sa pamamagitan ng legal action dahil sa paglabag sa Food Safety Act of 2013 at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.