Target ng Department of Budget and Management (DBM) na isumite ang P7.2 trilyong panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon sa Agosto 14.
Ang target na pagsumite ng National Expenditure Plan (NEP) para sa 2027 ay dalawang linggo matapos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 27. Pasok naman ito sa itinatakda ng batas na 30 days mula nang buksan ang regular legislative session na kasabay ng SONA.
Una nang itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na pinamumunuan ng DBM ang pambansang badyet sa susunod na taon sa P7.2 trilyon o katumbas ng 21.7% ng gross domestic product (GDP) ng bansa.
Mas mataas naman ng anim na porsyento ang panukalang pondo sa 2027 kumpara sa kasalukuyang P6.793 trilyong badyet ngayong 2026.
Ayon kay Budget Secretary Kim Robert de Leon, nakapokus ang panukalang pondo sa sunod na taon sa mga programa, aktibidad at proyekto na naglalayong lumikha ng mas magandang oportunidad at matugunan ang pangangailangan ng mamamayang Pilipino, makatutulong na matiyak ang mas matatag at garantisadong kinabukasan para sa lahat.
Inamin naman ng kalihim ang hamon sa pagbalangkas ng panukalang pondo para sa fiscal year 2027 kabilang ang napakasikip na fiscal space bunsod ng funding pressures mula sa awtomatikong apropriated items, tulad ng mga bahagi ng LGU sa National Tax Allotment at mga bayad sa interes, gayundin ng mga kinakailangan ng mga bagong-pasang batas at mga paulit-ulit na mandatoryong gastusin.
Ang National Expenditure Program (NEP) ay ang plano sa paggasta ng pambansang pamahalaan para sa papasok na taon. Ito rin ang nagsisilbing batayan para sa General Appropriations Bill (GAB). Ineendorso ng Kongreso ang naaprubahang bersyon nito sa Pangulo upang pirmahan, na magiging General Appropriations Act (GAA) na o ang opisyal na batas sa pambansang pondo.
















