Matimbang ang benepisyong makukuha ng publiko sa pagpapababa ng taripa ng pork imports kaysa ikakalugi ng pamahalaan sa hakbang na ito, ayon sa isang opisyal ng National Economic Development Authority (NEDA).
Sa pagdinig ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, sinabi ni Undersecretary. Mercedita A. S1ombilla na aabot sa P13.5 billion na kita ng pamahalaan ang mawawala dahil sa pagpapababa ng taripa ng pork imports.
Subalit kung titingnan aniya, aabot naman sa P61.5 billion ang matitipid ng publiko dahil sa hakbang na ito sapagkat inaasahang aabot na lamang sa P215 hanggang P222 ang retail price sa kada kilo ng karne ng baboy.
Iginiit ni Sombilla na hindi makakamit ang ganitong kababang presyo kung hindi hindi ibaba ang taripa sa lima hanggang 10 porsiyento.
Sa kanilang tantiya, kapag papanatilihin sa 30 hanggang 40 percent ang taripa ang retail prices ay maaring maglaro sa P256 hanggang P277.
Gayunman, iginiit ni Sombilla na ang kailangan talagang palakasin ngayon sa harap nang mababang supply ng karne ng baboy ay ang pagpapalakas sa production sa local hog industry.
Subalit aminado naman ito na hindi madali ang repopulation dahil tumatagal ng tatlo hanggang apat na buwan ang buong proseso, kaya matatagalan din ang pagbaba ng presyo ng karne ng baboy.










