-- Advertisements --

Aabot ng P620 million ang alokasyon para sa cancer control program ng pamahalaan sa ilalim ng P4.5-trillion proposed 2021 national budget.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, gagamitin ang pondo na ito sa cancer prevention, treatment at medicine program ng Department of Health (DOH).

Salig ito sa Republic Act No. 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act of 2019.

Sa pamamagitan ng pondong ito, sinabi ni Velasco na mas magiging maayos ang access ng mga cancer patients sa responsive at affordable na health-care services.

Base sa 2018 data ng DOH, nasa 110,000 bagong cancer cases ang naitatala kada taon at ang death toll mula sa sakit na ito ay nasa 66,000 annually.

Kaya naman umaasa si Velasco na sa pamamagitan ng karagdagang pondo na ito para sa cancer assistance ay mababawasan din ang mortality rate, lalo na sa mga mahihirap na pasiyente.

Sa ngayon, sinabi ng lider ng Kamara na ang breast ultrasound ay nagkakahalaga ng nasa P600 hanggang P3,000 dipende sa ospital.

Ang colonoscopy naman ay nasa P1,500 hanngang P14,000 kasama na ang professional fees.

Dipende sa uri ng cancer, ang halaga naman ng chemotherapy kada session ay nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P120,000 o mas mahal pa.