-- Advertisements --

Nais ni Senator Risa Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang tinatayang P5 billion hanggang P13 billion na halaga ng COVID-19 vaccines na binili ng gobyerno na hindi nagamit matapos mag-expire.

Kaugnay nito, naghain ng isang resolution si Sen. Risa Hontiveros para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y large-scale wastage ng mga bakuna kontra COVID-19 na iginiit ng mambabatas na hindi dapat kunsintihin.

Sa inihaing resolution, sinabi ng senadora na sa gagawing imbestigasyon ay tutukuyin kung nabigo o nagkulang ba ang gobyerno sa pagpaplano o pagbili ng vaccine doses.

Binigyang diin din ng senadora na ang mga resources na ginamit para sa pagkuha ng mga bakuna ay dapat na naibigay pa sana sa mga sektor na nangangailangan ng assistance mula sa gobyerno gaya ng mga magsasaka, mangingisda, drivers at frontliners.

Saad din ng senadora na dapat na mayroong managot dito kung saan tinukoy niya ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, Department of Health, at czars sa ilalim ng nagdaang Duterte administration na dapat tanungin sa oras na simulan ang pagdinig sa resolution.

Magugunita na isiniwalat ni Go Negosyo founder at former Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na nasa 3.6 million doses ng Moderna vaccines ang nagpaso noong July 27 habang nasa 623,000 Astrazeneca vaccines naman ang nag-expire noong Linggo, July 31.

Sa kabuuan nasa 4.2 million vaccines ang nasayang na nagkakahalaga ng P5.1 billion.