-- Advertisements --

Mahigit P500 milyong halaga ng tulong pinansyal, pangkabuhayan, scholarship at iba pang serbisyo ng pamahalaan ang inihatid ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa may 80,000 residente ng Zambales simula kahapon ng Sabado hanggang Linggo.

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez, isa sa nangungunang tagapagsulong at taga-suporta ng serbisyo caravan, desidido ang administrasyong Marcos na mailapit sa taumbayan ang serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng BPSF na ginanap sa Botolan People’s Plaza sa bayan ng Botolan sa Zambales. Ito ang kauna-unahan sa Central Luzon.

Si Speaker Romualdez, ang nagsilbing kinatawan na tagapagsalita ni Pang. Ferdinand Marcos sa pagbubukas ng BPSF kahapon, Sabado.

“As instructed by President Marcos, we are here to bring government services and programs closer to the people. We thank all the people behind this service caravan that has benefitted so many Filipinos so far,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Ang BPSF sa Zambales ang ika-10 sa serye ng serbisyo caravan na naglalayong dalhin sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.

Nasa 170 serbisyo mula sa 46 na ahensya ng pamahalaan ang inilapit sa may 80,000 benepisyaryo na nagpalista para sa dalawang araw na serbisyo fair.

Nasa kabuuang P500 milyong halaga ng programa at serbisyo ang dinala sa lalawigan kasama ang P154 milyong halaga ng tulong pinansyal.

Kabilang sa serbisyong ikinasa ang panglalawigang payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa lahat ng 18 munisipalidad. Nasa 26,000 indibidwal ang nabigyan ng kabuuang P52 milyong halaga ng tulong.

Namigay din ang Commission on Higher Education (CHED) ng scholarship at livelihood assistance naman ang hatid ng Department of Labor and Employment (DoLE).

Isang libreng Pasasalamat Concert rin ang inihanda sa Zambales Sports Complex, sa bayan ng Iba sa unang gabi ng Serbisyo Fair. Inaasahang makikibahagi sa konsyerto ang nasa 35,000 na indibidwal.