-- Advertisements --

Itinabi na ng Bangsamoro Autunomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nasa P500 million para ipambili ng coronavirus vaccine na ipapamahagi sa kanilang mamamayan.

Ayon kay Amirel Usman, acting health minister ng BARMM, ang naturang alokasyon ay kasama sa P75.6 billiuon budget ng rehiyon para sa 2021.

Maghihintay na lang aniya sila ng direktiba mula sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) kung anong bakuna ang gagamitin.

Ngunit kung siya raw ang tatanungin ay mas pipiliin nito ang bakuna mula Pfizer-BioNTech na ngayon ay ginagamit na sa Estados Unidos, United Kingdom at iba pang bansa.

Aminado naman si Usman na hindi sapat ang pondo na itinabi ng regional government para bakunahan ang lahat ng nakatira sa naturang rehiyon subalit magiging prayoridad umano nila ang mga nasa guidelines na ibibigay ng gobyerno kung saan nangunguna ang mga health workers.

Tinatayang aabot ng apat na milyon ang residente ng BARMM.

Nabatid naman ni Maguindanao Rep. Esmail Mangudadatu na ang limang probinsya sa BARMM ay makatatanggap ng P100 milyong na halaga ng bakuna.

Inamin din ni Basilan Gov. Jim Saliman na walang financial capacity ang kanilang probinsya para makabili ng bakuna na ipapamahagi sa kanilang 400,000 residente.

Habang nakahanda naman ang Zamboanga City na bumili ng COVID-19 vaccines gamit ang initial allocated budget nila na P200 million mula sa 2021 budget.