-- Advertisements --

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang provincial government ng Cavite matapos gumastos ng halos P5-milyon para mag-hire ng 24 na consultant noong 2018.

Batay sa annual audit report ng COA, bigo ang panlalawigang gobyerno na matukoy kung talagang nasunod ng naturang mga consultant ang kanilang mandatong trabaho.

Wala raw kasing mga dokumento na nakapag-suporta sa hiring ng mga ito, gayundin sa scope ng trabaho.

“Absence of such needed information in the Consultancy Contracts provided no means to assess whether the services rendered by the consultants were beyond in-house capability of the province to undertake such works, either due to lack of expertise of incumbent employees or time to undertake the nature of works needed.”

Lumabas sa ulat na tumanggap ng buwanang honorarium ang consultants na aabot ng P30,000.

Ayon sa COA, nilabag ng Cavite provincial government ang nilalaman ng Government Procurement Reform Act.

Nakasaad kasi dito na maaari lang mag-hire ng consultants ang gobyerno kung higit sa kakayahan ng administrasyon ang kanilang kaalaman sa trabaho.

Nabatid ng state auditors na 10 mula sa 24 na consultant ang nagtrabaho pa bilang special assistant ni outgoing Gov. Jesus Crispin Remulla.

Kinilala si Adriano Timoteo, consultant for investors relations, na nakakuha ng pinaka-malaking honorarium na umabot ng P360,000.

Kaugnay nito pinayuhan ng COA ang provincial government na atasan ang kanilang Human Resource Management Office na isumite sa state auditors ang kopya ng kontrata at iba pang dokumento ng mga consultants.