-- Advertisements --

Naglabas ng nasa kabuuang Php5.830 billion na halaga ng pondo ang Department of Budget and Management para sa konstruksyon ng nasa 1,834 na mga bagong silid-aralan sa buong Pilipinas.

Ito ay matapos na aprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Order para sa naturang pondo noong Marso 18, 2024.

Layunin nitong suportahan ang unang batch ng Basic Education Facilities Fund ng Department of Education na sumasaklaw naman sa probisyon ng mga classroom at workshop buildings, replacement ng mga lumang gusali, provision ng mga furniture, repair, rehabilitation ng mga classrooms, kabilang na rin ang water and sanitation facilities, at electrification.

Sa isang statement naman ay sinabi rin ng DBM na ang mga bagong silid-aralan ay itatayo sa 216 sites sa buong bansa.

Samantala, bahagi rin ng naturang pondo ay gagamitin sa konstruksyon, pagpapalit, at pagkumpleto sa kindergarten, elementary, at secondary school buildings, gayundin ang pagsasagawa ng technical vocational laboratories.